Limang Suhestyon Para sa Extrajudicial Killings Senate Inquiry ni Sen. Leila de Lima

CURRENT POLITICAL CONCERNS
Elpidio V. Peria
21 August 2016

leila de lima

from : http://news-aggregator.info

Dahil sisimulan na ni Sen. Leila de Lima ang “legislative inquiry” sa mga “extrajudicial killings” bunga ng walang puknat na “anti-drugs” war ni Pangulong Digong, narito ang mga posibleng aspeto ng isang maaaring balangkasing batas upang di naman masyadong ma-agrabyado ang mga naiwan ng mga mahigit 600 na namatay na dahil sa gyerang ito. Ito ay suhestiyon lamang, nasa mga eksperto na sa Senado ang maaring tumingin kung nararapat ba ito o hindi na o kung ito ay kailangang isabatas o isulat na lang bilang “administrative regulation” ng dapat kumilos na ahensya ng gubyerno :

1) Pagbigay ng Karapatan sa mga Pamilya ng Biktima Kapareho sa mga Biktima ng “Involuntary Disappearances”

Masama man magkumpara dahil parehong di maganda ang resulta at kahihinatnan, subalit kung tutuusin, mas lamang, sa usaping batas, sa ibang pagkakataon nating pag-usapan ang implementasyon ha, ang mga pamilya ng biktima ng mga “enforced or involuntary disapperances”, kahalintulad ng pangyayari kay Jonas Burgos, dahil may mga nakasulat na batas na maaaring gamitin upang singilin o panagutin ang mga maykapangyarihan, sa kanilang mga kaso, ang Republic Act 10353 o ang tinatawag na “An Act Defining and Penalizing Enforced Disappearances” na pinasa ng Kongreso taong 2012.

Sa batas na ito may mga obligasyon ang mga kinauukulang ahensya ng kapulisan at kagawaran ng pamahalaan (DILG, DND, atbp) na magbigay kaagad ng nakasulat na “certification” kung meron o wala silang impormasyon sa taong nawawala bigla na syang pinoprotektahan ng sec. 8 ng batas.

Madami pang ibang mga obligasyon ang mga kinauukulan sa batas na ito na maaaring suriiin ng mga eksperto sa Kumite ni Sen. De Lima kung “applicable” sa “extrajudicial killings” subalit ang pinakamahalagang probisyon ng batas na maaring maging “core obligation” ng kapulisan ay ang sec. 14 ng batas na kung saan magiging “liability” o pananagutan ng “commanding officer” o “superior” kung may alam syang impormasyon na ginagawa ng kanyang mga tauhan ang “extrajudicial killing” at ito ay hindi nya pinigilan bago man gawin ito o ito man ay kasalukuyang ginagawa. Ang pananagutan ng opisyal ay bilang “principal” sa kung ano mang krimen ang isampa sa kanyang mga tauhan, ibig sabihin nito, ang pinakamalaking “penalty” ang makukuha ng opisyal sa ganitong mga gawain. Pag ito ay naisabatas, magdadalawang isip ang mga “commanding officer” na mag-utos ng mga operasyon na madadamay sila sa mga kasong magreresulta sa mga gawaing ito.

2) Pagpapalawak sa “Miranda” rights na nasa Republic Act 7438

Ang Republic Act 7438 ay nagbibigay ng mga karapatan sa mga taong inaaresto, nakadetine or kasalukuyang ini-imbestigahan, kasama na dito ang pagtalaga ng tinatawag na “Miranda” rights ng isang akusado. Ang “Miranda rights” ay mga karapatang hango sa kaso ng US Supreme Court, ang US v. Miranda, kung saan may karapatang tumahimik ang isang taong hinuhuli, karapatan upang ang sumbong ay ipahiwatig sa salita o linggwaheng alam at naiintindihan ng akusado at karapatan upang bigyan ng abugado habang iniimbestigahan.

Sa mga mahilig magpuna, anong silbi nga naman ng karapatang tumahimik kung ikaw ay nabaril at napatay na, hayun tahimik ka na habangbuhay. Siguro ang sagot sa puntong ganito ay, bakit di kaya tayo magbalangkas ng mga panibagong proseso o “procedural due process rights” na kung saan malinaw na ang paghahabol sa mga taong ina-aresto o ang mga taong nanlaban ay malinaw na may mga nakasampang kaso at malinaw na ebidensya at di lang kesyo pinagdududahan ng mga “asset” ng kapulisan o kung anupamang mga “report” o “list” na kalimitan sa mga balitang atin nang narinig, ay mali-mali naman o di na “updated”. Tanggapin din naman natin na kailangang gawin ng kapulisan ang kanyang trabaho ng may “flexibility” at di mahirapan sa pag-akto sa mga sitwasyong delikado, subalit kailangan na ang taong hinahabol ay ang mga kilalang mga sugapa o talamak na tarantado sa barangay na matagal na at ito ay dokumentado at mas malinaw na ebidensya.

3) Paghigpit sa proseso ng paghuli ng mga suspetsadong kriminal na nasa PNP Manual

Dahil matagal balangkasin ang batas at siguradong di ito agad makakausad sa Kungreso na hawak ni Speaker Alvarez dahil sa “supermajority”, ang isang maaaring gawin ni Sen. De Lima ay gawin nyang piso ang budget ng PNP (ito ay una kong nakita nung ako ay nagtrabaho kay Sen. Orly Mercado, 1994-1997, at ginaya lang ito ni Sen. Zubiri nung naupo sya sa kanyang unang pag-upo sa Senado na kalaunay nadeklarang resulta pala ng malawakang pandaraya sa eleksyon na pinangunahan ni Dating Pangulo Gloria Arroyo) ni Gen. “Bato” dela Rosa kung di nya babaguhin ang PNP Manual upang ilagay ang mga “safeguards” na kahalintulad ng ating pangalawang suhestyon. Ang PNP Manual ay isang giya sa mga kapulisan kung paano nila gagawin ang kanilang trabaho at malaki ang tsansa na mababawasan ang mga isyu sa mga paghuli sa mga pinagdududahang mga tulak o adik na nauuwi sa “extrajudicial killing” kung nandito na sa dokumentong ito ang mga proseso sa tamang paghuli sa mga dapat hulihin.

4) Pagpapalawak at pagsasabatas ng doktrinang “case law” ng Aberca v. Ver (G.R. No. L-69866)

Nung kami ay nag-aaral pa sa law school sa aming klase sa TORTS, ang isa sa di ko makalimutang “lecture” ni Prof. Alberto Muyot ng UP College of Law na tugma sa ating usapin ay ang kasong Aberca v. Ver, na sa tingin ko ay maaring suriin ni Sen.de Lima kung maaari itong idagdag na “legal arsenal” ng mga pamilya ng extrajudicial killings.

Ang naaalala ko sa kasong ito ay dito maaaring papanagutin sa kasong sibil ang mga kapulisan kung mapapatunayang sila ay lumabag sa tinatawag na “constitutional rights” ng mga ordinaryong tao, mga Pilipino, ibig sabihin, at sila ay puedeng pagbayarin ng pera bilang “moral damages” at iba pang danyos perwisyos na resulta ng “extrajudicial killing” sa pamilya ng biktima.

Nilinaw din sa case law na ito na damay sa kaso ang mga opisyal na kahit “indirectly” ay lumabag sa karapatan galing konstitusyon ng biktima lalo na sa gawain ng kanyang mga bata-bata; damay din pati pribadong indibidwal, lalo na ang mga bodyguard ng opisyal, kung meron man o ang mga taong hindi gubyerno pero sumali sa paglabag sa karaparatang pang-Konstitusyon ng biktima sa ganitong mga kaso.

Nakasaad sa art. 32 ng ating Civil Code ang mga nakasulat na mga “constitutional rights” pero sa aking tingin, isa na dito yung kalayaan sa mga panghuhuli na walang “arrest warrant” o “search warrant” sa mga biktima at iba pang nakasulat sa batas na nasabi.

Ang isang maaaring tingnan ng masusi ng Kumite ang pagpapalawak ng prinsipyo sa torts lalo na sa mga pamilya ng mga taong “collateral damage” na di naman tulak o adik, e nagkataon lang na naparaan o katabi ng bahay nan i-raid ng kapulisan at namatay sa mga daplis na bala.

5) Paglinaw sa prinsipyo ng “privileged communication” sa mga datos tulad ng mga kuha sa CCTV o kahalintulad na “surveillance gadget” na nakapaloob sa Data Privacy Act o RA 10173

Kalimitan ang mga ebidensya sa mga “extrajudicial killing” na ito, tulad nung mag-amang napatay sa loob ng istasyon ng pulis kamakailan sa Metro Manila ay malamang may kuha sa CCTV. May batas na tayo ukol dito, ang Data Privacy Act or Republic Act 10173 na syang naglalahad ng karapatan ng mga taong may datos na kinukuha ng “personal information processor”.

Nakasulat naman sa batas na ito, sec. 4(e), na di nya sakop ang impormasyon na may kinalaman sa pagtupad sa katungkulan ng mga “law enforcement official” kaya wala na sigurong kinalaman ang batas na ito kung ang ebidensyang galing sa CCTV ay kailangang gamitan ng “right to privacy” ng pulis na nasasakdal sa kasong “extrajudicial killing” subalit may sec. 15 sa batas na may tinatawag na “privileged communication” status ang impormasyon na galing sa mga CCTV, ibig sabihin, di ito maaring gamiting ebidensya upang patunayan kung ano ang nangyari na galing sa CCTV o anupamang “surveillance gadget”.
Ito ay puedeng pag-aralan ng Kumite at malamang magbigay na rin ng opinion ang National Privacy Commission upang paano ito gawin na di naman napapasantabi ang polisiyang nilahad ng Data Privacy Act at magamit pa rin ang ebidensya mula sa CCTV.

Sa lahat ng mga suhestyong ito, maaring makita sa masusing pag-aaral ng Kumite na di na ito kailangan, ang nais lamang natin sa pagsulat ng mga suhestyong ito ay makadagdag sa mga ideyang lalabas sa hearing upang maibsan ang pangamba ng taumbayan sa mga “extrajudicial killings” na ito at matulungan ang Kumite sa pagbalangkas ng bagong batas o manawagan sa mga ahensya ng gubyerno na baguhin ang kanilang mga patakaran o polisiya upang di na lumala ang mga pangyayaring ito.

oOo

Advertisements
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s